Siguro kabisado niyo lahat ang istorya ng labing-anim na bayan na naging syudad tapos binalik ng Korte Suprema sa kanilang orihinal na status noong Nobyembre 18, 2008. Pero bago natapos ang taong 2009 ay ni-reverse ulit ng Korte Suprema ang kanilang desisyon. Samakatuwid, balik na sa pagiging syudad na naman ang labing-anim na bayan na ito base na rin sa desisyon ng Korte Suprema noong Disyembre 21, 2009. Laman ng mga higanteng pahayagan ang balita na ito at mga komento ng sari-saring partido.
Ang labing-anim na bayan ay kinabibilangan ng Naga, Carcar at Bogo sa Probinsya ng Cebu, Baybay sa Probinsya ng Leyte, Catbalogan sa Samar, Tandag sa Probinsya ng Surigao del Sur, Barongan sa Eastern Samar, Tayabas ng Probinsya ng Quezon, Lamitan ng Probinsya ng Basilan, Tabuk ng Kalinga, Bayugan sa Agusan del Sur, Batac ng Ilocos Norte, Mati ng Davao Oriental, Guinhulngan sa Negros Oriental, Cabadbaran sa Agusan del Norte at El Salvador sa Misamis Oriental.
Hindi na raw dapat pinakinggan pa o sabihing panig sa Konstitusyon ang paggawa sa mga bayang ito na syudad sapagkat hindi sinang-ayunan ng Korte Suprema ang unang mosyon ng 16 bayan na ito buhat ng ibalik sila sa kanilang orihinal na estado. Ang pangalawang mosyon naman nila ay nakatanggap ng 6-6 boto noong Mayo ng nagdaang taon. Ibig sabihin patay na yong citihood law nila.
Di ako salungat sa kagustuhan ng mga bayan na ito na magiging syudad. Kahit sino naman ay nangangarap na balang araw ay magiging ganap na syudad ang bayan nila. Ang alam ko lang na argumento ng mga malaking syudad na maapektuhan kapag ganap na syudad na ang labing-anim na bayan na ito ay makakasama na sila sa hatian ng IRA o Internal Revenue Allotment. Yon lang ang alam ko na ayaw ng mga matagal na naging syudad sa bansa.
Para sa akin, ang damot naman ng mga malalaking syudad na magbigay ng kunting parte ng kanilang IRA. Di ba karapat-dapat naman talaga silang tumulong sa ibang bayan kahit hindi pa sila naging syudad dahil sobra-sobra naman ang IRA nila? Sa kabilang banda, kaya naman talaga nila mamuhay at makapagsilbi sa kanilang nasasakupan kahit hindi na nila kunin ang kanilang IRA.
Ang hindi ko lang gusto sa pagiging syudad ng mga bayan na ito ay yong antas ng kahandaan ng mga nasasakupan nila. Ang tanong, handa na ba sila maging syudad at gampanan ang kanilang responsibilidad bilang mga mamayan ng paslit na syudad na ito? Eh sa kanilang income pa lang ay hindi nga umabot ng P100 milyon.
Sa positibong pananaw ay siguro handa naman sila at gusting-gusto nila ang prestige na nakadikit dito. Sana naman ay lahat ay may magandang pananaw sa pagbabago nadala ng bagong estadong kanilang bayan. At sana ay pagtratrabahuan nilang makuha yong P100 milyon na income hindi sa pagpapataw ng maraming buwis kundi sa pagkokolekta ng buwis na mas maayos.
Meron lang akong obserbasyon sa mga tindera sa palengke na medyo hindi kaaya-aya. Biruin mo naman na inisip nila na pwede na nilang taasan ang mga presyo ng bilihin dahil daw ay syudad na sila. Dapat daw ay kaparehas ang presyuhan ng paninda nila sa mga paninda ng Manila, Davao, Cagayan de Oro atbp.
Natawa na lang ako sa mga sinasabi nila. At ito rin ang kinababahala ng maraming mahihirap na mamimili at mamamayan ng mga lugar na ito. Kailangan ba ikumpara ang presyuhan ng produkto ng kanilang bayan sa ibang syudad?
Mahirap ipaliwag sa isang manininda ang prinsipyo sa likod ng dapat pagkakaiba. Ang simpleng paliwanag na kaya mas mahal ang kilo ng isda sa Cagayan de Oro kumpara sa paslit na syudad ay dahil hindi na kailangan gagastos ng pagdadala nito sa merkado. Ang mga produktong agrikultura ng paslit na syudad ay galing sa kabilang bayan at ang isda naman ay galing lang sa dagat na nakapaligid sa bayan nila. Hindi po madaling maintindihan ang ganitong paliwag sa kanila.
Kaya sa bayan ko na kadikit lang ng paslit na syudad na ito ay tumaas ng kaunti ang presyo ng isda sa ngayon kahit hindi pa nababalik sa pagkasyudad ang kapit-bayan ko. Sa bayan kasi na ito nagmumula ang mga panindang isda. Tila may hangover pa sila sa pagiging syudad ng isang taon.
Antayin na lang natin kung ano mangyayari. Masyadong maaga pa para maghusga o maging dismayado.