Kapre, a Mythical Creature?
March 24, 2009
Hindi ko na siguro kailangan ipaliwanag kung ano yong Kapre. Sigurado ako na lahat ng Pilipino ay nakakakilala dito. Hindi na kasi lingid sa ating kaalaman na tuwing sumasapit ‘yong buwan ng kwaresma o sa panahon ng semana santa o panahon ng undas ay kadalasan ipinalalabas ng mga higanteng estasyon ng telebisyon ang sari-saring kuwento ng kababalaghan. Kuwentong tungkol sa mga kapre, engkanto, ligaw na kaluluwa at kung anu-ano pa.
Bigfoot ang foreign counterpart ng ating imortal na kapre. Madalas din nating napapanood ito sa mga banyagang pelikula.
Napapansin ko lang na ‘yong naisasalarawan ng mga palabas sa pelikula at telebisyon maging banyaga man o lokal ito ay tumutukoy lang sa kapre na napakatangkad, mahaba ang balbas, mabalbon, maitim na nilalang na nanabako. Kalimitan daw ito nakatira sa mga malalaking puno o sa mga mayayabong na kawayan. Dahil sa laki nito at itim ang kulay ay kinatatakutan ito ng marami.
Hindi ganito ang uri ng kapre na naninirahan sa aming bayan. Wala po akong naririnig na kuwento tungkol sa kapreng ubod ng itim na tumatambay doon. Kung meron man ay hindi po kapre yong tawag namin doon – ito po ay isang Agta.
Sa mga kuwento ng mama, lola, lolo at matatandang kababayan ko ay nabatid ko na kakaiba yong Kapre namin. Mas sosyal kasi gumagamit ng glutathione. Hindi pa uso noon pero meron na sila. Hindi rin sila nakabahag tulad ng mga kuwento sa magasin, radyo, pelikula at telebisyon. Bagkos sila po ay meron magandang wardrobe. Sila po ay nakasuot ng mahabang damit na puti na parang damit ng mga pari. In short, para po silang higanteng amerikanong misyonaryo o pari, sabi nila.
Marami sa aming bayan ang nakakakita sa kanila ng bago dumating ang magdekada nobenta. Sa kuwento ng kapatid ni mama ay nakakakita na siya ng isang kapre na nakaupo sa sanga ng malaking puno ng mangga sa likod ng kumbento ng mga madre.
Sabi din ng mama ko na noong dekada syetenta ay nabulabog din sila ng kanilang pinsan habang sila ay naghahapunan. Pumunta kasi ng tabing-dagat ‘yong pinsan nila para magkopra. Maliwanag ang gabi noon dahil kabilugan ng buwan at napakasarap magtrabaho habang nagpapahangin sa harap ng Pacific Ocean. Payuko-yuko at pasipol-sipol siya habang nagko-kopra. At ng siya ay tumingin sa itaas ay nakita niya yong kapre na nakadungaw at nagmamasid sa kanyang ginagawa. Kumaripas siya ng takbo, tinalon niya ang mataas na bakod at sinira niya ang pinto ng kanilang bahay dahil sa kanyang pagkagulantang. Sabi ni mama na hindi daw alam ng insan niya kung paano niya natalon yong bakod na ‘yon.
Maraming malalaking puno ng acacia sa aming lugar. Hindi lang sa malalaki, ito ay mayayabong pa. Kadalasan dito nakikita ang mga malalaking nilalang na ito. Kung sa kuwento sa pelikula ay iisa lang ang nagpapakita, sa amin po ay dalawa-dalawa na para bang sarap na sarap na nagkwe-kwentuhan ‘yong mga nilalang sa sanga ng malalaking acacia.
Dalawang kuwento lang tungkol sa pagpapakita nito ang aking natatandaan na nangyari sa dekada nobenta. Iyong pahanon na wala pa masyadong naninirahan mahapit sa dalawang malaking punong acacia sa bunganga ng daan ng aming bayan. Isa rin itong malaki, matangkad at maputi na kapre. Ito po ay nakuwento ng isang farm worker namin na umuuwi sa kilometro saes. Pumunta kasi siya sa lungsod para manood lang ng Maalaala Mo Kaya.
Iyong pangalawang kuwento ay nangyari mismo sa gitna ng aming town plaza. Meron kasi punong acacia sa aming plaza. Hindi po iyon naganap sa gabi. Kadalasan kasi sa gabi lang nagpapakita ang kapre. Meron kasing activity ang DSWD noon kaya may parada ang mga Barangay Health Workers. Pagkatapos ng parada ay nagpakuha sila ng litrato sa lilim ng punong acacia. At nang ma-develop na ‘yong pictures ay nakita na lang nila na nakapatong pala silang lahat sa tiyan ng kapre na nakahiga sa lilim ng puno. Hindi pa po uso ng digital camera o photoshop sa panahon na iyon.
Maraming beses na nagpapakita noon sa bayan namin ang mga kapre sa panahon na iyon. Wala pa kasi kuryente ng kapanahunan na iyon sa aming bayan. Mayayabong pa rin ‘yong mga punong kahoy doon at hindi pa masyadong maraming tao ang naninirahan. Wala pa rin ‘yong mga malalakas na hiyaw ng mga videoke machines sa kabahayan.
Siguro nag-migrate na rin sila sa ibang lugar kung saan ay hindi sila nabubulabog.
Previous Comments
hi eunice… tagasaan ka? meron akong ipapagamot.. hehehe
Posted by jadestone at January 5, 2010, 1:38 pmAll comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.


















astig ah … magaling akong manggagamot … at alm ko na yan
Posted by eunice at January 4, 2010, 5:42 pm